Hepe ng Davao City police, mananatili pa sa pwesto

By Ruel Perez September 08, 2016 - 08:41 AM

Davao blast4

Nagkausap na sina Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald Bato dela Rosa at Davao City Mayor Sara Duterte kaugnay sa hirit ng alkalde na sibakin sa pwesto ang hepe ng Davao City Police na si Sr. Supt. John Michael Dubria.

Ayon kay Dela Rosa, humingi pa siya ng dagdag na panahon kay Mayor Sara para makahanap at makagawa ng listahan na pagpipilian ng alkalde para sa posisyon.

Paliwanag ni Dela Rosa, kailangan pamilyar sa Davao City ang ipapalit na hepe doon lalo pa na ngayon ay nasa kritikal na sitwasyon ang lungsod.

Giit ni Dela Rosa, kung si Dubria nga na ipinanganak at lumaki sa Davao, nalusutan ng mga terorista, paano pa kaya kung ang ipapalit dito ay hindi taga roon.

Pumayag naman umano si Mayor Sara sa hiningi niyang panahon para humanap nang ipapalit kay Dubria bagaman wala naman itinakdang deadline ang alkalde.

Una nang sinabi ng alkalde na hinihintay niya ang aksyon ng PNP sa hiling niyang alisin sa pwesto si Dubria matapos ang pagpapasabog sa night market sa Davao City.

Maliban kay Dubria, nais din ni Duterte na maalis sa pwesto si Task Force Davao Chief Col. Henry Robinson.

 

 

TAGS: Davao bombing, Davao bombing

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.