PNP Naga, sineseryoso ang umano’y banta ng panggugulo ng ASG

By Ruel Perez September 06, 2016 - 01:29 PM

FB PostBinubusising mabuti ng Philippine National Police sa Naga ang umano ay banta ng panggugulo ng Abu Sayyaf Group sa lungsod batay sa post ng netizen sa kaniyang Facebook account.

Sineseryoso at tinatratong totoo ng Naga PNP ang umano’y banta ng teroristang grupong ASG sa Naga City na nakasaad sa facebook post, na viral na ngayon dahil sa dami ng nag-share.

Ayon kay Naga City Police spokesperson SPO2 Tobias Bongon, nagulat umano sila sa impormasyon na na-ipost at naging viral sa facebook pero hindi sila nagpapaka-kampante.

Ani Bongon, sa kanilang pag-iimbestiga, totoo umano na anak ng Chief of Police ng Caramoan na nakilalang si Insp. Joselito Bermas ang nagpost ng babala sa facebook na si Jessa Aure Bermas.

Pero paliwanag ni Bongon, sa pinakahuling update umano sa FB account ni Jessa Aure Bermas, humihingi ito ng patawad at pinasinungalingan ang naunang post ng banta ng ASG.

Sa naunang post, sinabi ni Jessa Aure Bermas na ayon sa kaniyang ama na hepe ng pulisya sa Caramoan, nakapasok na ang ASG sa Naga kaya inaabisuhan at pinag-iingat niya ang lahat.

Sa ngayon wala pa naman umanong namamataan na ASG sa lugar.

Gayunman, mahigpit ang pagbabantay ng PNP lalo na at malapit na ang Peñafrancia festival.

 

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.