DND, magdedeploy ng karagdagang batalyon sa Sulu para durugin ang Abu Sayyaf Group

By Mariel Cruz August 29, 2016 - 06:42 PM

military-070815Magdadagdag ng puwersa ng militar ang Department of National Defense sa Sulu bilang bahagi ng pinaigting na operasyon laban sa Abu Sayyaf Group.

Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, full force at all out operations ang kanilang papairalin laban sa bandidong grupo kung kaya magdadagdag sila ng limang batalyon o aabot sa dalawang libo at limang daan katao sa Sulu.

Ngunit sinabi ni Lorenzana na hindi nila isasapubliko kung kailan sila magdedeploy ng karagdagang puwersa sa nasabing lalawigan.

Kamakailan ay ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Armed Forces of the Philippines na buwagin at durugin ang ASG matapos pugutan ng ulo ng grupo ang kanilang labing walong taong gulang na bihag sa Sulu.

Sa ngayon ay aabot na sa dalawampung Abu Sayyaf ang napapatay ng tropa ng militar at magpapatuloy pa ito hanggang sa tuluyan nang maubos ang mga miyembro ng nasabing grupo.

Nagsimula ang bakbakan sa pagitan ng ASG at tropa ng militar noong Biyernes, isang araw matapos ang nasabing utos ni Pangulong Duterte.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.