Mayor Parojinog at mga kaanak, isinuko ang kanilang mga armas

By Kabie Aenlle August 16, 2016 - 04:00 AM

 

parojinogMagkakasamang tumungo sina Mayor Reynaldo Parojinog, anak niyang sina Vice Mayor Nova Parojinog at Councilor Ricardo Parojinog sa Ozamiz City Police Station kahapon para isuko ang kanilang matataas na kalibre ng baril.

Kabuuang 16 armas ang idineposito ng mag-aama sa pulisya, at ang 13 dito ay pag-aari ni Mayor Parojinog, habang 3 dito ay kay Councilor Parojinog, ngunit ang kay Vice Mayor naman ay iniulat na nawawala.

Gayunman, ayon kay Misamis Occidental Provincial Director Senior Supt. Edgar Daniel, mayroon pang isang maiksing armas si Mayor Parojinog na hindi pa ibinibigay sa pulisya.

Kinailangan ng mag-aama na isuko ang kanilang mga armas matapos tanggalin ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald dela Rosa ang lisensya ng mga ito.

Bukod sa pag-aalis ng lisensya sa mga ito, binawi na rin ni Regional Director Chief Supt. Noel Constantino ang mga police escorts ni Mayor Parojinog.

Bago ito, dahil isa ang alkalde sa mga opisyal na itinuturo ni Pangulong Rodrigo Duterte na may kinalaman umano sa kalakalan ng iligal na droga, tinanggalan na rin siya ng kontrol sa pulisya ng nasasakupan niyang lugar.

Sa kabila naman ng alegasyon sa kaniya at pamilya, tiniyak ng alkalde na suportado pa rin niya ang kampanya ng administrasyon laban sa iligal na droga.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.