P5 Million cash at parangal sa Kongreso naghihintay sa pagbabalik ni Hidilyn Diaz

By Den Macaranas, Isa Avendaño-Umali August 08, 2016 - 05:14 PM

Hidilyn_Diaz-Weightlifting1Kabi-kabilang resolusyon ang inihain sa Kamara para batiin at bigyang pagkilala ang Filipina Weightlifter na si Hidilyn Diaz na nakasungkit ng silver medal sa 2016 Rio Olympics.

Tatlong magkakahiwalay na House Resolutions ang inihain nina Ako Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin; PBA Partylist Reps. Mark Sambar, Jericho Nograles; Davao City Rep. Karlo Nograles at Cavite Rep. Strike Revilla.

Sa mga naturang resolusyon, kinikilala ng mga Mambabatas ang malaking karangalan na ibinigay ni Diaz sa Pilipinas matapos nitong tapusin ang dalawampung taong paghihintay ng bansa para muling makakuha ng Olympic medal.

Sinabi ni Garbin na ipinamalas ni Diaz ang katatagan ng Filipino spirit.

Dagdag nito, sadyang tagumpay ng Pilipinas ang pagkapanalo ni Diaz dahil ang kanyang nakamit na medalya ay kauna-unahang pagkakataon para sa mga taga-Mindanao.

Ayon naman kina Nograles at Sambar, ipinakita ni Diaz na may pag-asa ang mga Pinoy na mamayani at manguna sa larangan ng sports gaya sa weightlifting.

Para kay Revilla, kahanga-hanga si Diaz dahil siya ang unang Pilipinang atleta at unang Pilipinong weightlifter na nakasungkit ng medalya sa Olympics.

Noong 2015 ay nilagdaan ni Pangulong Noynoy Aquino ang Republic Act (RA) 10699 na kilala bilang National Athletes and Coaches Benefits and Incentives.

Nakapaloob sa nasabing batas na tatanggap ng P10 Million na gatimpala ang sinumang mananalo ng gintong medalya sa Olympics maliban pa sa medal of valor para sa larangan ng sports.

Aabot naman sa P5 Million ang naghihintay sa makakasungkit ng silver medal samantang P2 Million para sa bronze.

TAGS: Congress, hidilyn diaz, olympics, rio, silver, Congress, hidilyn diaz, olympics, rio, silver

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.