3 patay sa drug overdose sa isang rave party sa U.S

By Mariel Cruz August 02, 2016 - 03:35 PM

Rave party california
AP

Patay ang tatlo katao matapos dumalo sa isang rave party na pinangunahan ng ilang American rapper at electronic music band sa California, USA.

Ayon sa tagapagsalita ng San Bernardino County sheriff na si Jodi Miller, kabilang ang tatlong nasawi na isang lalaki at dalawang babae sa siyam na isinugod sa ospital habang sa kasagsagan ng Hard Summer Music Festival.

Aabot sa 146,000 katao ang dumalo sa nasabing event na ginanap sa Auto Club Speedway sa Fontana.

Nakilala ang mga biktima na sina Derek Lee, 22 yrs old ng San Francisco; Alyssa Dominguez, 21 yrs old ng San Diego; at Roxanne Ngo, 22 yrs ng Chino Hills.

Unang binawian ng buhay sina Lee at Dominguez noong Linggo habang si Ngo naman ay namatay umaga ng Lunes.

Sa inilabas na statement ng tagapagsalita ng event na si Alexandra Greenberg, ipinaabot na nito ang pakikiramay sa pamilya ng mga nasawi.

Sa ngayon ay patuloy na iniimbestigahan ang sanhi ng pagkamatay ng tatlong biktima.

Ngunit pinangangambahan ng pulisya na posibleng dahil sa ecstasy ang dahilan ng pagkamatay ng mga ito.

Nabatid na talamak ang bentahan ng nasabing ilegal na droga sa mga rave party na isinasagawa sa California.

TAGS: ecstasy, fonrtana, rave, ecstasy, fonrtana, rave

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.