Gen. Bato sa media: Hindi lahat ng tulak, adik, napapatay

By Kabie Aenlle July 30, 2016 - 05:22 AM

bato dela rosaPinatunayan ni Philippine National Police (PNP) chief Director Gen. Ronald “Bato” dela Rosa sa mga miyembro ng media na hindi lahat ng mga nahuhuling tulak at gumagamit ng iligal na droga ay pinapatay ng mga pulis.

Iniharap niya sa media na buhay na buhay ang tatlong big-time na nagbe-benta ng iligal na droga na naaresto buy-bust operations ng mga pulis sa Pasig at Taguig kahapon.

Ayon kay Dela Rosa, nakakuha sila ng maraming pakete ng shabu at baril pero buhay ang mga suspek, at nangangahulugan lang ito na hindi sila nanglaban.

Sabi pa ni Dela Rosa sa media, dapat makita ng lahat na hindi lang puro patayan ang ginagawa ng pulisya.

Panay kasi ngayon ang mga ibinabatong pag-batikos sa kanila dahil sa umano’y paglabag nila sa mga karapatang pantao sa tuwing may napapatay na hinihinalang suspek sa droga.

Paliwanag ni Dela Rosa, nag-iingat na ngayon ang mga drug suspects, ngunit kahit anong gawing ingat ng mga ito, nahuhuli pa rin sila dahil magagaling ang mga pulis.

Tumaas na rin aniya ang presyo ng mga iligal na droga dahil sa pagbagsak ng kanilang supply, bunsod na rin ng pagkaka-aresto kung hindi man pagkakapatay sa mga nagbebenta nito.

Kahapon natimbog ang mga suspek na nakilalang sina Saadodin Badron, Sukarno Bansil at Mahatir Malaco sa magkakahiwalay na operasyon sa Pasig at Taguig.

Nasamsam sa kanila ang halos walong kilo ng shabu, baril at mga bala.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.