CGMA, gustong bigyan ng amnesty ang mga rebelde

July 28, 2016 - 04:33 AM

 

Inquirer file photo

Isang panukalang batas ang inihain ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo na layong magbigay ng amnestiya para sa mga miyembro ng CPP-NPA-NDF at iba pang kasapi ng mga rebeldeng grupo.

Sinabi ni Arroyo na ang pagbibigay ng amnestiya ay mahalaga para sa isinusulong na usapang pangkapayapaan ng Duterte government.

Sa ilalim ng House Bill 490, sakop ng amnestiya ang kasong rebelyon at iba pang kaso o paglabag na nagawa ng mga rebelde, na kaugnay sa paniniwalang politikal nila.

Pero hindi naman sakop ng amnestiya ang mga kasong panggagahasa, kidnap for ransom, paggamit o pagbebenta ng ilegal na droga, at paglabag sa international law.

Sa oras na maging ganap na batas ang panukala ni CGMA, ang mga miyembro ng CPP-NPA-NDF at iba pang rebelde ay uubrang mag-apply ng amnestiya, pero dapat ang kanilang kaso ay nangyari bago ang implementasyon ng amnesty law.

Ang aplikante ay maaaring maghain ng aplikasyon sa National Committee on Social Integration.

Bibigyan naman ng kapangyarihan ang estado na ibasura o huwag aprubahan ang aplikasyon para sa amnesty.

Nililinaw din sa panukala na kapag mag-aapply ang rebelde, pagkakalooban ito ng safe conduct pass ng Provincial o City Peace and Order Council upang maiwasan ang pag-aresto.

May kundisyon din sa rebelde na aplikante ng amnesty na isuko ang armas nito sa gobyerno, sa loob ng 30 araw.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.