PAUNAWA: Sensitibong video-Bike rider, pinatay ng nakaalitang motorista; isa pa sugatan

By Jong Manlapaz July 26, 2016 - 04:24 AM

 

CCTV grab/Bgy. 385

Ilang oras lamang matapos ang State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte at ang paghahayag nito ng babala sa mga gagawa ng krimen, pinagbabaril hanggang sa mapatay ng isang motorista ang isang lalakeng nagbibisikleta lamang sa isang insidente ng hinihinalang ‘road rage’ sa Maynila.

Nauwi sa pamamaril ang simpleng away-trapiko sa bahagi P. Pascal St. kanto ng Aleguie St. sa  Brgy. 385,  Quiapo, Manila na isa ang agad na namatay habang isa naman ang kritikal.

Nakunan ng CCTV ng barangay ang pangyayari kaya naging mas malinaw sa mga otoridad ang puno’t dulo ng krimen.

Base sa CCTV footage, tinangkang harangin ng isang Hyundai Eon na asul ang isang pulang bisikleta  na lulan ang biktimang si Mark Vincent Geralde, 35 yrs old.

Agad na lumabas ang driver ng kotse at kinumpronta si Geralde hanggang mauwi ang sagutan ng dalawa sa suntukan.

Pagkatapos ng suntukan bumalik sa kotse ang hindi pa nakikilalang suspek, habang mistulang nakipagkamay pa ang biktima at pinasok nito ang kanyang kamay sa loob ng sasakyan at payapang naglalakad palayo dala ang bisekleta.

Pero maya-maya lamang, muling lumabas ng kotse ang suspek bitbit ang isang baril at walang pakundangang pinagbabaril ang biktima na nagtamo ng 5 tama ng bala sa katawan.

(Paunawa: Sensitibong video)

Nakakuha naman ang MPD SOCO ng  4 na empty shell at slug ng caliber .45 sa crime scene.

Nadamay naman sa pamamaril si Rocel Bundoc,  18yrs old na nagpapahinga lamang sa loob ng bahay, na isinailalim sa operasyon na kasalukuyan ay nasa kritikal na kondisyon sa St. Mary Child Hospital.

Umaapila naman ang kaanak ng dalagita na sumuko na ang suspek at papanagutan ang krimen nagawa, lalo na ang nasugatang biktima ay ulila.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.