Oras ng bisita sa Bilibid, binawasan

By Kabie Aenlle July 26, 2016 - 04:23 AM

 

Kuha nI Richard Garcia
Kuha nI Richard Garcia

Mula sa anim na oras, inanunsyo ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na tatlumpung minuto na lamang ang visiting hours sa New Bilibid Prisons (NBP).

Ito aniya ay habang nagsasagawa pa ng mga pagga-galugad ang mga tropa ng Special Action Force (SAF) sa Bilibid upang masupil na ang kalakalan ng iligal na droga sa loob.

Ginawa ni Aguirre ang pag-anunsyong ito matapos magreklamo ang mga kaanak ng mga preso dahil sa sobrang higpit ng seguridad na ipinapatupad ng mga opisyal sa Bilibid.

Ayon sa kalihim, nagre-reklamo ang mga ito dahil ang ilan sa kanila ay sangkot rin sa bentahan ng iligal na droga sa loob ng piitan.

Matatandaang noong nakaraang linggo, nagsimula na ang mga SAF troopers sa pagbabantay sa NBP compound partikular na sa Building 14 kung saan naka-piit ang mga drug lords at sinasabing VIP inmates.

Giit pa ni Aguirre, dahil sa naapektuhan ang operasyon ng iligal na droga sa loob, nagkakalat na ng tsismis ang mga preso tungkol sa mga SAF, halimbawa na ay ang umano’y pangma-maltrato sa kanila ng mga ito.

Panawagan ni Aguirre, huwag paniwalaan ang mga kasinungalingang ikinakalat tungkol sa mga SAF officials at ibigay sana sa mga ito ang ating buong tiwala dahil hindi hamak na sobrang disiplinado ng mga ito lalo’t mula sila sa elite force.

Bukod dito, nanawagan rin si Aguirre sa mga abogado dahil sa ngayon aniya, mayroon silang 509 na bakanteng posisyon para sa public prosecutors.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.