1 patay, 1 pinuno ng Bagobo sugatan sa pananambang sa Davao

By Kabie Aenlle July 16, 2016 - 04:19 AM

Crime scene2Nasawi ang isang lalaki habang nag-aagaw buhay naman ngayon ang isang pinuno ng tribo ng Bagobo sa Davao City matapos silang tambangan ng riding-in-tandem.

Ayon kay Karapatan-Southern Mindanao spokesperson Jay Apiag, pauwi na sina Datu Danny Diarog at Hermie Alegre mula sa isang pulong sa National Commission on Indigenous People.

Ngunit habang pauwi, bigla silang inatake ng mga hindi pa nakikilalang suspek na nakasakay sa motorsiklo sa may Sitio Kahusayan, Barangay Manuel Guianga.

Si Diarog ay isang pinuno ng tribo ng Bagobo sa Sitio Kahusayan, habang si Alegre naman ay isang opisyal sa Parents-Teachers Association sa Salugpungan Lumad school sa barangay.

Ani Apiag, isinugod agad ang dalawa sa ospital, ngunit idineklarang dead on arrival na si Alegre habang kritikal naman ang kondisyon ni Diarog.

Ang ama ni Diarog na si Datu Dominador ay pinatay rin ng mga armadong kalalakihan noong 2008 matapos umano siyang tumanggi na ibenta ang kanilang lupain.

Itinuturo naman ng mga human rights group ang pinuno ng Kingdom of Jesus, The Name Above Any Name na si Pastor Apollo Quiboloy na responsable sa pagpatay kay Datu Dominador walong taon na ang nakalilipas.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.