Pamunuan ng “Eat Bulaga,” ipinatawag ng MTRCB

By Kabie Aenlle July 13, 2016 - 04:25 AM

 

Mula sa Bandera

Ipinatawag ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang pamunuan ng noontime show na “Eat Bulaga” matapos umani ng batikos ang kanilang programa dahil sa mga komento ng ilan sa kanilang mga hosts.

Sa isang memorandum, pinuna ni MTRCB chairperson Eugenio Villareal ang sinabi ni Sen. Vicente “Tito” Sotto III sa kanilang programa noong July 9 na sinasabing naging insensitive sa mga kababaihan.

Ang tinutukoy ni Villareal ay ang naging sagot ni Sotto sa nanalo sa kanilang segment na “Juan for All, All for Juan” na ibinahagi ang kaniyang karanasan nang siya ay mapagsamantalahan ng mga kaibigan ng kaniyang asawa noong minsang siya ay nalasing.

Sinabi kasi ni Sotto na “Kababae mong tao, pa-shot shot ka?”

Sinundan naman ito ng tanong ng co-host niya na si Jose Manalo na “Ano ang suot mo? Naka-shorts ka, ‘no?”

Ayon pa sa memo ng MTRCB, ito ay dahil may classification na PG o ‘Parental Guidance’ ang kanilang programa na pinapayagan ang panonood ng mga bata, at ang insidente ay sumagi sa gender sensitivity law sa ilalim ng Republic Act 9710.

Itinakda ng MTRCB ang conference sa July 21 na gaganapin sa kanilang Adjudication room.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.