Paglilinis sa droga, dapat magsimula sa gobyerno ayon sa dating PDEA chief

July 12, 2016 - 07:22 PM

D Santiago
Inquirer file photo

Malaki ang tsansa na maging matagumpay ang pinaigting na kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa ilegal na droga sa bansa.

Ito ang pahayag ni dating Philippine Drug Enforcement Agency chief Gen. Dionisio Santiago sa panayam ng Radyo Inquirer.

Ayon pa kay Santiago, dapat ay magkaroon din ng internal cleansing sa hanay ng mga opisyal na nagpapatupad ng kampanya.

May mga ulat aniya na mayroon pang mga alagad ng batas na sangkot pa rin sa paggamit at pagbebenta ng ilegal na droga.

“Malaki ang tsansa provided yung atin mga nag-iimplement ay ma-cleanse din. May mga report- report diyan na meron pa rin ibang implementors na nag-ooperate pa. Nandiyan pa rin. I hope hindi totoo yung mga reported. Ako may alam din ako, sabi ko bakit nandiyan pa yan, bakit hindi pa natatanggal yan.” ani Santiago.

Sinabi din ni Santiago na dapat linisin ang mga alagad ng batas mula sa mga heneral hanggang sa PO1 katulad na din ng gustong mangyari ni Philippine National Police chief Gen. Ronald “Bato” Dela Rosa.

Binanggit din ng dating hepe ng PDEA na mayroon siyang nakuhang listahan ng mga opisyal sa isang probinsya na hanggang ngayon ay sangkot pa rin sa ilegal na droga pero tumanggi na itong pangalanan.

“Ang report nga ni Bato hindi ba down to PO1. As a matter of fact, somebody submitted to me a list, sa isang probinsya, mukhang hindi nagagalaw. Hindi ko na sasabihin, baka ma-alert eh.” pahayag pa ng dating opisyal.

Dagdag pa ni Santiago, posibleng ang mga nasasangkot sa droga ay nadidiin din para maprotektahan ang ibang grupo o pwedeng sindikato rin.

“Maraming report diyan kung minsan naghuhulihan, ang hinuhuli yung sa kalaban. Maraming istoryang ganyan. Hinuhuli pano hindi nila alaga. Very careful dapat lalo na yung gagawa ng report. Dapat reliable din sila hindi tainted.” dagdag ni Santiago.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.