Mga heneral na pinangalanan bilang protektor ng droga, todo-tanggi sa akusasyon

By Jay Dones July 06, 2016 - 02:48 AM

 

Mula sa inquirer.net

Itinanggi ng mga retirado at aktibong heneral na pinangalanan ni Pangulong  Rodrigo Duterte na protektor sila ng mga sindikato ng iligal na droga sa bansa.

Sa magkakahiwalay na mga panayam, kapwa iginiit nina dating NCRPO Director Joel Pagdilao, dating Western Visayas Director Bernardo Diaz, dating heneral Vicente Loot at dating Quezon City District Director Edgardo Tinio na walang katotohanan ang mga ipinupukol na akusasyon laban sa kanila.

Giit ni Dir. Pagdilao, hindi siya protector ng droga at matagal na niyang nilalabanan ang pagkalat ng iligal na droga sa bansa.

Bilang patunay aniya, handa siyang sumalang sa lifestyle check upang patunayang wala siyang anumang nakukuhang pera mula sa mga sindikato.

Ayon naman kay Gen. Diaz, maling impormasyon ang nakarating sa Pangulo.

Pulitika naman ang nakikitang dahilan ni dating heneral Loot na ngayo’y alkalde na ng Daanbantayan, Cebu sa paglutang ng naturang akusasyon.

Kapwa nangako rin ang dalawa na  dumaan sa mga otoridad upang patunayang walang katotohanan ang mga alegasyon laban sa kanila.

Mangiyak-ngiyak naman sa sama ng loob na nagbigay ng pahayag sa media si dating Quezon City Police District Director Chief Supt. Edgardo Tinio na mariing itinanggi ang mga akusasyon ni Pangulong Duterte laban sa kanya.

Giit pa nito, mistula siyang nawalan ng gana na manatili  pa sa serbisyo dahil sa mga alegasyon na ipinukol laban sakanyang pagkatao.

Samantala, wala pa namang opisyal na pahayag ukol sa isyu si dating Deputy Director Marcelo Garbo.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.