Gen. Tinio: “Nawalan na ako ng gana sa serbisyo”

By Den Macaranas July 05, 2016 - 07:41 PM

Gen. Tinio
Photo: Ruel Perez

Mangiyak-ngiyak sa sama ng loob na nagbigay ng pahayag sa media si dating Quezon City Police District Director CSupt. Edgardo Tinio.

“Kung mahal ni Pangulong Duterte ang bansa, mahal ko rin ang bayan ko at handa akong lumaban kasi sa giyera lalo na sa droga”, pahayag ng opisyal.

Sinabi ni Tinio na handa siyang sumailalim sa imbestigasyon ng Philippine National Police at ng National Police Commission (Napolcom) para lamang linisin ang kanyang pangalan.

Ipinaliwanag rin ng opisyal na mali ang mga ibinigay na impormasyon kay Duterte kung saan ay isinasabit siya bilang protektor ng illegal drugs.

Ayon pa kay Tinio, “dahil sa pangyayaring ito, lilinisin ko lang ang pangalan ko at patutunayan ko na wala ang kasalanan sa mga bintang nila at pagkatapos nito ay aalis na ako sa serbisyo”.

Aminado si Tinio na dahil sa pangyayaring ito ay nawalan na siya ng gana na gampanan pa ang kanyang tungkulin bilang alagad ng batas.

Idinagdag pa ng dating pinuno ng QCPD na nasira sa isang iglap ang kanyang iniingatang pangalan dahil sa akusasyon sa kanya sa illegal drugs.

Bukod kay Tinio, sabit din umano bilang protector ng bawal na gamot sina dating National Capital Regional Police Office (NCRPO) Dir. Joel Pagdilao, dating Western Visayas PNP Director Bernardo Diaz, dating CSupt. Vicente Loot at dating PNP Deputy Chief for Administration Generoso Marcelo Garbo

TAGS: generals, PNP, QCPD, tinio, generals, PNP, QCPD, tinio

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.