Epekto ng Brexit sa Pilipinas, inaasahang magiging bahagya lamang

By Kabie Aenlle June 25, 2016 - 05:01 AM

PSEBumaba ang local stocks ng 1.29 percent habang humina naman ng 41.5 centavos ang piso nang mayanig ang pandaigdigang merkado kasunod ng desisyon ng United Kingdom na lisanin ang European Union.

Hindi nakaligtas ang local equities sa madugong resulta ng Brexit sa global markets. Nalagasan ng 100.06 points ang Philippine Stock Exchange index o kabuuang 1.29 percent na nagsara sa 7,629.72, habang ang halaga ng piso kontra dolyar ay bumagsak sa 46.950 mula sa 46.535 noong Huwebes.

Gayunman, naniniwala ang mga economists at financial experts na may sapat na suporta ang ekonomiya ng Pilipinas at nananatili itong malakas kahit pa biglaan ang naging resulta ng Brexit.

Isa sa kanila si April Lee-Tan na head of research ng COL FInancial na nagsabing walang inaasahang malakas na impact ang Brexit sa Pilipinas dahil hindi naman ito kabilang sa top 10 export destinations ng bansa.

Ito’y sa kabila pa ng tinatayang $1.5 billion na kabuuang remittances ng mga overseas Filipino workers mula doon noong nakaraang taon.

Para naman kay ING Bank Manila senior economist Joey Cuyegkeng, bagaman maaring makaapekto sa Asia at sa Pilipinas ang desisyon ng UK, kaya naman itong balansehin ng mga major central banks at major governments.

Samantala, inaasahan pa rin ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na magiging pabago-bago ang lagay ng domestic markets kahit pa maliit lang ang direct exposure ng Pilipinas sa UK.

Ayon kay BSP Governor Amando Tetangco Jr., ito ay dahil maari naman tayong maapektuhan ng galaw ng US dollar na direktang maaapektuhan ng Brexit.

Sa pagtatapos ng 2015, ang kabuuang bilateral trade sa pagitan ng Pilipinas at ng UK ay tinatayang lumaki ng 30 percent ng hanggang sa $2.6 billion.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.