Sa traffic crisis, ‘respect rule of Law’-CJ Sereno

By Kathleen Betina Aenlle June 24, 2016 - 04:31 AM

 

Inquirer file photo

Sakali man na mapagkalooban ng emergency powers si incoming President Rodrigo Duterte para solusyunan ang matinding trapiko sa Metro Manila, mayroong paalala si Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Ayon kay Sereno, hindi dapat kalimutan ni Duterte ang due process.

Sinabi ito ni Sereno kasunod ng plano ni incoming Transportation Secretary Arthur Tugade na humingi ng special powers para masolusyunan ang trapik sa kalakhang Maynila.

Ani Sereno, nais niya sana ng specific na proposal bago nila ikonsidera ito upang matiyak na magawa ito ng gobyerno alinsunod sa due process na nakasaad sa Saligang Batas.

Dapat rin aniya na matingnan ng Duterte administration ang iba pang dahilan na nagdudulot ng ganito kalubhang sitwasyon ng trapiko, dahil sa tingin niya hindi lang naman imprastraktura ang tanging dahilan.

Kailangan rin aniyang mapag-usapan ng ehekutibo ang regulasyon sa kung sino lang ba ang dapat bumagtas sa mga lanes, pati na ang operasyon ng mga public utility vehicles (PUVs).

Ayon kay Tugade, ang hihingin nilang kapangyarihan ay ang pag-take over sa mga ari-arian, pag-invoke ng right of way sa mga pribadong villages at ang pagpigil sa mga korte sa paglalabas ng temporary restraining orders sa mga kritikal na infrastructure projects.

Ang mga ito kasi ang nakikitang ilan sa mga dahilan kung bakit napapatagal ang mga proyekto ng pamahalaan.

Giit naman ni Sereno, nasa proseso na sila ng pagsisiyasat sa mga panuntunan ng paglalabas ng TROs, kabilang na iyong mga nakakaapekto sa public infrastructure projects at matagal na nila itong sinimulan.

Ipinaliwanag rin ni Sereno na ang pag-giit ng right of way para sa public infrastructure ay may kaukulang bayad sa mga pribadong ari-arian, at ang pag-take over naman ng mga ari-arian ay kailangan din sumailalim sa due process.

Paalala niya, hindi pwedeng basta na lang kumpiskahin ng gobyerno ang isang ari-arian.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.