Pilipinas at China, dapat irespeto ang isa’t isa at ang international laws ayon kay PNoy

By Kabie Aenlle June 11, 2016 - 04:24 AM

noynoy-aquinoNaniniwala si Pangulong Aquino na respeto lang sa isa’t isa at sa international laws ang kailangan ng Pilipinas at China para sa mas magandang relasyon ng dalawang bansa.

Sinabi ito ng pangulo sa harap ni Chinese Ambassador Zhao Jianhua at mga miyembro ng Federation of Filipino-Chinese Chamber of Commerce and Industry Inc. (FFCCCII) sa sabay na pagdiriwang ng ika-118 na Independence Day at 15th Filipino-Chinese Friendship Day.

Pinasalamatan ni Pangulong Aquino ang FFCCCII sa suporta nila sa Pilipinas hindi lamang para sa negosyo, disaster response at tulong sa komunidad, kundi para na rin sa mahalagang papel nila sa paglalapit sa Pilipinas at China.

Naniniwala rin ang pangulo na nais lamang ng Pilipinas at ng China ang lahat ng makabubuti para sa kanilang mga mamamayan.

Positibo naman ang pananawi ni Zhao na babalik ang magandang relasyon ng Pilipinas at China lalo pa’t matagal naman na ang trade relations ng dalawa sa kabila ng mga hindi pagkakaintindihan.

Kabilang na nga dito, ay ang isyu ng agawan ng teritoryo sa South China Sea na dahilan ng pagsasampa ng kaso ng Pilipinas laban sa China sa Permanent Court of Arbitration sa The Hague.

Ani pa Zhao, matagal naman nang kaibigan ang turing ng China sa Pilipinas kaya nananalig siyang mas lalalim pa ang mabuting kasunduan ng dalawa.

Una nang kinumbinse rin ng China ang Pilipinas na huwag nang ituloy ang kaso, bagkus ay makipagdayalogo na lamang sa kanila.

Inaasahang lalabas na ang ruling ng PCA kaugnay sa kaso ng Pilipinas at China sa mga darating na linggo.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.