ASEAN, posibleng maglabas ng joint statement tungkol sa South China Sea

By Kabie Aenlle June 11, 2016 - 04:25 AM

ASEAN-Leaders-ap-1123Binabalak na ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na maglabas ng joint statement kaugnay sa magiging desisyon ng UN arbitral court sa kasong inihain ng Pilipinas laban sa China.

Ayon kay Indonesia Foreign Ministry-ASEAN dialogue partner at inter-regional coordinator Derry Aman, sa tingin nila ay nararapat lamang na magbigay ng pahayag ang kanilang organisasyon kaugnay sa isyu ng teritoryo sa South China Sea.

Gayunman, sa sistema ng ASEAN, kailangang magkaroon ng consensus ang lahat ng 10 miyembro nito bago sila makapag-deklara o makapaglabas ng joint statement.

Magkakaroon ng special ministerial meeting ang ASEAN kasama ang China sa June 13 hanggang 14, kaugnay sa napapalapit na paglalabas ng desisyon ng Permanent Court of Arbitration (PCA) sa kasong inihain ng Pilipinas.

Hindi naman natiyak ni Derry kung makakapaglabas na sila ng joint statement sa susunod na linggo, dahil kailangan pa nilang makabuo ng consensus.

Nagpapatuloy pa rin aniya ang pag-uusap sa pagitan ng mga bansang kabilang sa ASEAN tungkol dito.

Samantala, una nang sinabi ng China na hindi nila papatulan o susundin kung anuman ang maging hatol ng PCA sa kasong ito tungkol sa agawan ng teritoryo sa South China Sea.

Karamihan sa mga bansang kabilang sa ASEAN ay pawang mga claimants rin sa ilang mga teritoryo sa South China Sea.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.