Duterte, pinayagan ang NPA na litisin ang dinukot nilang pulis sa Davao Oriental

By Kathleen Betina Aenlle June 04, 2016 - 04:46 AM

Inquirer FILE PHOTO
Inquirer FILE PHOTO

Bagaman una nang nakiusap si President-elect Rodrigo Duterte sa New People’s Army (NPA) na palayain na ang bihag nitong pulis, biglang nagbago ang kaniyang isip.

Isang araw matapos niyang hilingin ito sa NPA, napag-alaman ni Duterte na ang pag-tangay ng mga rebelde kay Chief Insp. Arnold Olgachen ay may kinalaman sa kanilang antidrug operation.

Sa halip na pakiusapan ang NPA na palayain na si Olgachen, ipinaubaya na ni Duterte sa rebeldeng grupo ang pulis.

Pinahintulutan pa ni Duterte ang NPA na litisin si Olgachen sa kung anumang hinihinala nilang krimen na ginawa nito laban sa mga tao.

Sa isang pahayag na kanilang inilabas na pirmado ni NPA Southern Mindanao spokesperson Rigoberto Sanchez, nakuhaan nila ng isang pakete ng shabu si Olgachen nang dukutin nila ito noong May 29.

Dahil dito hinihinala nilang may kinalaman si Olgachen sa pagiging entry point ng bayan ng Governor Generoso sa bentahan ng iligal na droga sa Davao Oriental.

Nang malaman ito ni Duterte, pinayagan niyang litisin ito sa revolutionary courts nito at patawan ng sintensyang 10 taon ng hard labor.

Ayon pa kay Sanchez, sila na ang umaksyon sa isyu ng droga sa Davao Oriental dahil hindi naman kumikilos ang mga lokal na opisyal ng pamahalaan doon.

Itinanggi naman ito ni Davao Oriental Gov. Cora Malanyaon at sinabing masugid ang kaniyang kampanya laban sa iligal na droga.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.