Dating Butuan Mayor at 8 pang sabit sa fertilizer scam, sinampahan ng kaso sa Sandiganbayan

By Jan Escosio June 03, 2016 - 07:17 PM

Ombudsman1Isinumite na ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan ang impormasyon para sa pagsasampa ng kaso na may kaugnayan sa fertilizer scam laban kay dating Butuan Mayor Leonides Theresa Plaza at walong iba pa.

Base sa isinagawang imbestigasyon, tumanggap ng P5 milyon ang lokal na pamahalaan ng Butuan para sa alokasyon sa pagpapatupad ng farm inputs at farm implements program ng Department of Agriculture noong 2004.

Kasunod nito inaprubahan ni Plaza ang pagbili ng P4.8 milyong halaga ng organic fertilizer mula sa Feshan Philippines Inc.

Nadiskubre ng Commission on Audit na labag sa government procurement reform act ang ginawa ni Plaza at iba pang opisyal na nagresulta sa direct contracting.

Nabatid din na ang biniling abono sa halagang P1,500 kada litro ay mabibili lang talaga sa halagang P125 kada litro.

Kasamang kinasuhan si dating Butuan vice-mayor Angelo Calo, at ang iba pang mga opisyal na sina Salvador Satorre, Adulfo Llagas, Arthur Castro, Rodolfo Evanoso, Bebiano Calo, Danilo Furia at Melita Loida Galbo.

 

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.