Robin Padilla, umalma sa pagkakadawit sa drug den sa Pampanga

By Kathleen Betina Aenlle June 03, 2016 - 04:23 AM

robin-padilla-no-kissing-love-scenes-preenPumalag na ang mga abogado ng aktor na si Robin Padilla kaugnay sa patuloy na pagkakadawit ng pangalan ng kanilang kliyente sa dati nitong ari-arian sa Pampanga na nakumpiskahan ng isang katerbang shabu.

Sa kanilang inilabas na pahayag, nanawagan sina Atty. Rudolf Philip Jurado at Atty. Leonard Peejay Jurado, sa mga gumagawa ng balita na huwag nang kaladkarin pa ang pangalan ni Padilla sa isyu.

Paliwanag ng aktor, 18 taon na ang nakalipas nang ibenta niya ang bahay sa Pampanga kung saan nasamsam ng mga otoridad ang liquid shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P1 billion.

Dagdag pa nila, ang Taiwanese na gumagawa ng droga sa nasabing lugar ay isang taon pa lamang na nangungupahan sa kasalukuyan nang may-ari ng bahay, kaya’t wala nang kinalaman pa dito si Padilla.

Wala na anila silang nakikita pang dahilan para idawit si Padilla sa mga balita, dahil hindi tin naman ito makakatulong sa imbestigasyon, bagkus ay alamin na lang dapat ang pagkakakilanlan ng Taiwanese na gumagawa ng iligal na droga doon.

Ikinakabahala na anila ni Padilla ang pagkakadawit ng pangalan niya dahil nadadamay na pati ang kaniyang mga anak at ang nagdadalang-tao na asawa niyang si Mariel Rodriguez-Padilla.

Dinudumog na kasi sila ng mga tawag kaugnay sa posibleng koneksyon ni Robin sa mga suspek.

Giit pa nila, naaapektuhan na rin ang reputasyon ni Padilla dahil sa mga balitang ito.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.