Ampon ng konsehal sa Cebu, guilty sa pag-iingat ng granada

By Kathleen Betina Aenlle May 25, 2016 - 04:23 AM

 

Talisay CiytPinatawan ng 40 taong pagkaka-bilanggo ang ampon ni Talisay City Councilor Socrates Fernandez matapos mahatulang guilty sa illegal possession of hand grenade at ng baril.

Reclusion perpetua o hanggang 40 taong pagkaka-kulong ang parusa kay Joavan Fernandez para sa illegal possession of explosive, at mayroon pang karagdagang 6 hanggang 10 taon dahil naman sa illegal possession of firearms at paglabag sa election gun ban.

Iniutos pa ni Executive Judge Soliver Peras ng Cebu City Regional Trial Court ang paglipat kay Joavan mula sa Cebu Provincial Detention and Rehabilitation Center sa Cebu patungong Leyte Regional Prison sa Abuyog, Leyte.

Nang tanungin si Joavan kung ano ang sunod nilang hakbang, sinabi lang niya na mag-uusap pa sila ng kaniyang abogado.

Ito na ang pangalawang paghahatol kay Joavan sa loob lamang ng tatlong buwan dahil noong Pebrero lamang ay nahatulan siyang guilty pati na ang lima niyang mga kaibigan sa pagdukot at panggugulpi sa dalawang trabahador ng isang vulcanizing shop.

Pinagbintangan kasi ni Joavan ang dalawa na nagnakaw sa reserbang gulong ng kaniyang ama noong 2008. Dahil dito, hinatulan siya ng 21 hanggang 36 taong pagkakakulong.

Natagpuan ng mga pulis ang granada at baril sa bahay ni Joavan nang puntahan nila ito para ihain ang arrest warrant laban sa kaniya matapos siyang hindi magpakita sa pagdinig sa kasong slight physical injury.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.