Shame campaign vs. kriminal epektibo ayon sa Tanuan Mayor

By Den Macaranas May 21, 2016 - 01:06 PM

Tony Halili
FB photo

Pabor si Tanauan City Mayor Antonio Halili na gawing nationwide ang “shame campaign” laban sa mga kriminal.

Sinabi ito ng alkalde matapos umani ng batikos ang pag-parada niya sa mga nahuling tulak ng droga sa kanilang lungsod kamakailan.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, ikinatwiran ni Halili na ang shame campaign o pagpapahiya sa mga kriminal ang nakikita niyang epektibong pamamaraan para labanan ang krimen lalo ang mga sangkot sa ilegal na droga.

“Walang takot yung mga (drug) pusher, ‘pag-kinasuhan, at kapag nakapag piyansa ay babalik na naman sa dating gawain, yung natatakot ay lumilipat lang sa ibang bayan,” paliwanag ni Halili.

Nanindigan din ang alkalde na dahil may positibong epekto ang kanyang ginagawa, hindi niya ititigil ang shame campaign at handa niyang harapin anumang reklamo mula sa ilang grupo.

“Kung ano nga kasi ang sinasabi ng masasamang tao na nahuhuli ay yun ang pinaniniwalaan ng Commission on Human Rights (CHR) hindi yung taong inaayos ang bayan”, dagdag pa ni Halili.

Iginiit niya na ginagawa lang niya ang kanyang trabaho bilang pinuno ng lungsod.

Ayon kay Halili, “Kayo sa CHR, may trabaho kayo, hindi ko kayo masisisi dahil trabaho nyo yan, pero wag nyo ko sisihin dahil trabaho ko na ayusin ang bayan ko.”

Pabor din ang Tanuan City mayor na gayahin ng ibang lugar ang kanyang kampanya para hindi makatakbo ang mga kriminal na nagpapalipat-lipat lang ng lugar para ituloy ang masasamang gawain.

Bukod sa pag-parada sa palengke, plano rin ng alkalde na ipaskil sa pampublikong lugar ang larawan ng mga kriminal at nagtutulak ng ilegal na droga.

Umaasa si Mayor Halili na susuporta si incoming President Rodrigo Duterte ang kanyang shame campaign at gawin ito sa buong bansa.

Kamakailan, binatikos si Halili nang iparada sa palengke ng Tanauan City ang pitong hinihinalang drug pushers na nilagyan ng sulat sa kanilang damit na, “Ako’y pusher, wag nyo akong tularan” pero umalma ang mga ito at itinanggi ang paratang kasabay ng paghahain ng reklamo sa CHR dahil sa inabot nilang kahihiyan.

TAGS: antonio halili, Batangas, Illegal Drugs, shame campaign, tanuan city, antonio halili, Batangas, Illegal Drugs, shame campaign, tanuan city

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.