Resulta ng boto sa isinagawang testing sa VCM pumasok sa transparency server

By Dona Dominguez-Cargullo May 13, 2016 - 10:23 AM

Nakitaan ng pagbaba ang bilang ng boto na pumasok sa transparency server kagabi.

Pero paliwanag ng Commission on Elections (Comelec) bumaba ang bilang ng boto dahil inalis nila ang mga boto sa idinaos na test run sa VCMs na aksidenteng nai-transmit.

Alas 9:45 kagabi, (May 12) si Camarines Sur Rep. Leni Robredo ay mayroong 13,992,738 habang si Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos ay mayroong 13,775,616 na boto.

Pagsapit ng alas 10:45 ng gabi, (May 12) si Robredo ay mayroon na lamang 13,992,642 habang si Marcos ay mayroong 13,775,470.

Isang oras ang nakalipas, o dakong alas 11:45 ng gabi, bumaba pa lalo ang kanilang boto, dahil si Robredo ay mayroon na lang 13,992,549 habang si Marcos ay may 13,775,365.

Ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista, kaya bumaba ang bilang ay dahil sa inalis nila ang mga test votes na hindi sinasadyang napasama sa transmission.

Paliwanag ni Bautista, bago ang halalan, nagsagawa ang Comelec ng pre-logic and accuracy tests sa vote counting machines (VCMs) at ang tunay na pangalan ng mga kandidato ang ginamit sa nasabing test run.

Sinabi ni Bautista na dapat ay agad nabura ang nasabing mga test votes, pero sa bahagi ng Davao del Sur, hindi nabura ang resulta ng testing, dahilan para sumama ito sa transmission at pumasok sa transparency server.

“Gusto nating siguraduhin na gumagana ang sistema at nagkakaroon ng transmission kaya may mga ilan-ilang mga test votes ang pinapadala. Pero yun ay dapat binubura. Pero may mga lugar na hindi nila nabura. For example itong Davao del Sur,” ayon kay Bautista.

Nasa 1,797 na resulta ng test votes sa Davao del Sur aniya ang pumasok sa sistema na agad ipinagtaka ng mga opisyal ng Coemelc dahil ang daming botante sa Davao del Sur ay mahigit sa 300,000.

Nang malaman nilang pumasok nga ang test votes ay kanila itong tinanggal. Ito aniya ang dahilan ng pagbaba ng bilang ng boto ng mga kandidato kagabi.

 

 

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.