Hindi pagsunod sa protocol sa pagpapalit ng ‘script’, dapat ipaliwanag-Larrazabal

By Dona Dominguez-Cargullo May 13, 2016 - 10:09 AM

HASH CODE Kinakailangang ipaliwanag ng Commission on Elections at ng Smartmatic kung bakit hindi nasunod ang protocol nang may kinailangang baguhin sa script o command sa datos na pumapasok sa transparency server.

Ayon kay dating Comelec Commissionre Gregorio Larrazabal, kahit pa totoo ang katwiran ng Comelec na wala namang epekto sa bilang ng boto o resulta ng halalan ang ginawang pagbabago sa script, ay dapat pa din aniyang nasunod ang tamang proseso nang ito ay gawin.

Kabilang aniya dito ang pagsulat sa log book sa command center ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) at pagpapaalam sa Comelec project management office na may kinakailangang baguhin.

“Granting na walang naging pagbabago sa count, bakit hindi sinusunod ang protocol? Bakit hindi inilagay sa log book, may log book iyan dapat nakasulat lahat doon,” sinabi ni Larrazabal.

Kabilang din aniya sa protocol ang pagpapaalam ng proseso sa mga political party.

Sinabi ni Larrazabal na kahit pa “cosmetic change” lamang ang ginawa at pinalitan lamang ang code para mabago ang question mark (?) na lumalabas sa “ñ” sa pangalan ng mga kandidato ay natural na maraming magrereklamo dahil hindi ito naipabatid sa mga dapat makaalam.

Naniniwala si Larrazabal na maliban sa maayos na paliwanag ay dapat na may managot dito sa panig ng Smartmatic.

 

TAGS: change on script should be done on proper process says Larrazabal, change on script should be done on proper process says Larrazabal

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.