RCBC president Lorenzo Tan, nag-resign na

By Kathleen Betina Aenlle May 07, 2016 - 05:15 AM

lorenzo tanTuluyan nang nagbitiw sa pwesto ang president at CEO ng Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC) na si Lorenzo Tan.

Tinanggap na ng RCBC ang resignation ni Tan na ayon sa inilabas nilang pahayag ay effective immediately.

Sa pahayag na inilabas ng RCBC, lumabas sa kanilang sariling imbestigasyon na abswelto rin si Tan sa anumang “breach of bank rules and policies” kaugnay sa kontrobersyal na $81 million money laundering scheme na kinasangkutan ng bangko.

Nag-resign umano si Tan bilang pagbibigay kalayaan sa kanilang board na makapagawa ng mga desisyon para sa kapakanan ng bangko.

Sa hiwalay naman na pahayag, sinabi ni Tan na bagaman cleared na siya sa anumang pagkakasangkot sa eskandalo, bilang presidente at CEO ng RCBC, inaako niya ang responsibilidad sa hindi magandang pangyayari na ito.

Hangga’t wala pang kapalit si Tan, si Helen Yuchengco-Dee muna ang pansamantalang mamamahala sa operasyon ng bangko bilang presidente at CEO.

Magiging kaagapay niya ang management team na binubuo nina RCBC vice chair Cesar EA Virata, director Armando Medina at mga kasalukuyang senior managers.

Nagpasalamat rin si Tan sa mga shareholders, opisyal at mga kliyente ng RCBC, at naniniwala aniya siyang nasa mabuting kamay ang bangko sa pangangalaga ni Dee.

Matatandaang idinawit ni dating Jupiter, Makati branch manager Maia Deguito si Tan sa maanomalyang pagpasok ng malaking pondo na ninakaw pala mula sa Bangladesh Bank.

Itinuro ni Deguito si Tan na nagsabi umano sa kaniyang asikasuhin ang kliyenteng si Kim Wong na nagpasok umano ng pondo sa bangko.

Mariin namang itinanggi ni Tan ang mga akusasyon sa kaniya at kinasuhan niya ng libel at perjury si Deguito at ang abogado niya.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.