3 Taiwanese arestado sa shabu lab sa Ayala Alabang
Naaresto sa isinagawang pagsalakay ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang tatlong Taiwanese Nationals na operator ng isang shabu laboratory sa loob ng Ayala Alabang sa Muntinlupa City.
Ang tatlo ay nakilalang sina Chen Hu Min, 27-anyos, Pong Jung, 19- anyos at Eugene Thong,-24 anyos na pawang operator ng shabu laboratory.
Ayon kay NCRPO chief police director Joel Pagdilao, aabot sa 55 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P275 million ang nasabat ng kanilang mga tauhan mula sa shabu lab na nasa bahagi ng Tamarind St. Ayala Alabang Village.
Sinabi ni Pagdilao na nagpanggap na bibili ng 25 kilo ng shabu ang isa sa kanilang mga tauhan at mismong sa nasabing bahay sa loob ng village magaganap ang bentahan.
Nang maiabot ang shabu ay agad dinampot ng mga otoridad ang mga suspek at natuklasan na ang mga gamit sa paggawa ng shabu sa loob ng bahay.
Sinabi ni Pagdilao na lima hanggang sampung kilo ng shabu ang nagagawa sa nasabing laboratoryo kada araw.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.