MILF, tutulong sa pagtugis sa Abu Sayyaf na namugot sa Canadian hostage

By Inquirer Mindanao, Jay Dones May 04, 2016 - 04:25 AM

 

Inquirer file photo

Tumutulong na ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) na tugisin ang Abu Sayyaf Group na pasimuno ng pagpugot sa ulo ng dayuhang si John Ridsdel sa lalawigan ng Sulu.

Ayon kay Sammy Al-Mansour, military chief ng MILF, inatasan na ng pamunuan ang kanilang mga tauhan sa lalawigan ng Sulu na hanapin ang pinagtataguan ng mga Abu Sayyaf upang papanagutin sa pagpatay sa Canadian na si Ridsdel.

Tinawag ding anti-Islam ni Al-Mansour ang ginawang krimen ng bandidong grupo at kinondena ito.

Batay aniya sa kanilang natanggap na impormasyon, nananatili pa rin sa lalawigan ng Sulu ang mga kriminal.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nakipagtulungan ang MILF sa puwersa ng gobyerno sa pagtugis sa Abu Sayyaf group.

Noong May 2013, tumulong din ang MILF na hanapin ang mga pumugot sa ulo ng pitong Marines sa Sulu.

Feb 7, 2015 naman nang magkaengkwentro ang MILF at Abu Sayyaf sa Basilan kung saan isang lider ng bandidong grupo ang napatay at isang MILF member ang nasugatan.

Noong April 9, kusang dumistansya ang 114th Base Command ng MILF sa pangunguna ni Kumander Hadji Dan Asnawi at Hamsa Sapanton ng Basilan Provincial Police Force sa Basilan nang pasukin ng tropa ng militar ang Bgy. Baguindan sa Tipo-Tipo upang tugisin ang Abu Sayyaf.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.