50 ang patay sa air strike na tumama sa ospital sa Syria

By Dona Dominguez-Cargullo April 29, 2016 - 04:28 PM

Aleppo SyriaNasawi ang 50 katao kabilang ang dalawang duktor matapos tamaan ng isinasagawang air strike ang isang pediatric hospital sa Aleppo City sa Syria.

Ayon sa grupong Medecins sans Frontieres (MSF) o Doctors Without Borders, ang air strike ay nagresulta sa pagguho ng al-Quds hospital.

Sinabi ni Pablo Marco, operations manager ng Doctors Without Borders sa Middle East, kabilang sa nasawi ang anim na hospital staff na kinabibilangan ng dalawang duktor, dalawang nurse, isang gwardya at isang maintence worker.

Maliban sa al-Quds hospital, tinamaan din ng bomba ang iba pang lugar na malapit sa pagamutan.

Kinondena naman ni MSF head of mission in Syria, Muskilda Zancada, ang nasabing pag-atake.

Sinabi ni Zancada na hindi dapat tinatarget ng air strike ang mga medical facility.

Ang al-Quds hospital ay mayroong 34 na hospital bed at binubuo ng walong full-time na mga duktor at 28 nurses.

Doon din dinadala ang mga batang nasusugatan sa patuloy na pag-atake sa Aleppo.

Simula taong 2012, ang MSF ay tumutulong sa al-Quds sa pamamagitan ng mga donasyong medical supplies.

 

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.