Dating Gov. ER Ejercito, nagpiyansa sa kasong graft

By Dona Dominguez-Cargullo, Ricky Brozas April 19, 2016 - 12:08 PM

ER-ejercitoMatapos magpalabas ng warrant of arrest laban sa kaniya ang Sandiganbayan, personal na nagtungo sa korte si dating Laguna Governor ER Ejercito para magpiyansa.

Si Ejercito ay naglakag ng P30,000 na piyansa sa kasong graft at sumailalim sa proseso ng booking gaya ng pagpi-piyano at mugshot.

Kahapon ay naglabas ng arrest warrant ang Sandiganbayan 4th division laban kay Ejercito matapos siyang mabigo na humarap para sa pagbasa sa kaniya ng sakdal.

Kahit nagpakita ng medical certificate ang abogado ni Ejercito, hindi ito tinanggap ng mga mahistrado ng Sandiganbayan 4th division at ipinag-utos ang pag-aresto sa dating gobernador.

Si Ejercito ay nahaharap sa kasong graft dahil sa maanomalyang pagpasok sa isang insurance deal noong taong 2008, noong siya ay alkalde pa sa Pagsanjan, Laguna.

Nagkaroon umano ng ‘gross inexcusable negligence’ sa panig ni Ejercito at walong iba pang local officials ng Pagsanjan nang pumasok sila sa kasunduan sa First Rapids Care Ventures (FRCV) nang walang isinasagawang public bidding.

Layon ng pinasok na insurance deal na maglaan ng “accident protection” at “financial assistance” sa mga turista at boatmen na dumadaan sa Pagsanjan Gorge Tourist Zone.

Maliban kay Ejercito, kasama din sa kaso si dating Pagsanjan Vice Mayor Crisostomo Vilar at mga dating konsehal na sina Arlyn Lazaro-Torres, Terryl Gamit-Talabong, Kalahi Rabago, Erwin Sacluti, Gener Dimaranan at Ronaldo Sablan.

Pinangalanan din bilang respondent sa kaso ang mga pribadong indibiduwal na si Marilyn Bruel owner at proprietor ng FRCV.

 

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.