BI Comm. Mison, bumuwelta sa mga batikos sa kanya

July 09, 2015 - 07:34 PM

11720656_10204600399035686_1262535791_nBinuweltahan ni Bureau of Immigration Commissioner Siegfred Mison ang kanyang mga detractors sa loob mismo ng kagawaran at sinabing may ax to grind sa kanya ang mga iyon.

Sa isang mahabang post sa kanyang Facebook Account na kinumpirma ng commissioner na galing sa kanya, sinabi ni Mison na personal ang atake sa kanya ng mga personalidad sa kagawaran na humiling sa pangulo na tanggalin siya sa puwesto.

Tinukoy ni Mison si Faisal Hussin na aniya ay overstaying na empleyado ng kagawaran.

Noong taong 2009 umano ay dinaya ni Hussin ang date of birth sa kanyang Personal Data Sheet o PDS upang mapatagal ang kanyang pananatili sa BI. May extortion complaint din laban kay Hussin sa Cebu, dalawang taon na ang nakakaraan ayon kay Mison bukod pa sa sampung iba pang administrative cases na may kinalaman din sa extortion complaints.

Si Hussin ang signatory sa isang paid-advertisement sa pahayagan na humihiling kay Pangulong Benigno Aquino III na alisin na sa BI si Mison dahil sa mga umano’y anomaly sa kagawaran.

Pinangalanan din ni Mison sa kanyang “Facebook Post” ang isang Ricardo Cabochan na nagdawit naman sa pangalan ni Mison sa kaso ng mga Chinese nationals na sina Fu Gaofeng at Wilson Ong Cheng.

11720656_10204600399035686_1262535791_nAni Mison, dating pinuno ng BI sa Baguio City si Cabochan ngunit may kaso umano itong “embezzlement of funds” kaya ito ay natanggal sa naturang puwesto.

Naisailalim din umano sa suspensiyon si Cabochan ng tatlong buwan dahil sa kapabayaan umano sa visa processing ng isang foreign national.

Sinabi din ni Mison na sangkot si Cabochan sa isang extortion case na iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation na biktima naman ang ilang South Korean nationals.

May binanggit na Gang of Four si Mison sa kanyang post na pagtatanggol sa kanyang sarili sa mga akusasyon laban sa kanya bilang pinuno ng kagawaran ngunit hindi niya tinukoy kung sinu-sino ang apat.

Salitang sindikato ang ginamit niyang pagsasalarawan sa naturang Gang of Four. Ang pinakamalaking kontrobersiya na kinaharap ng BI sa ilalim ni Mison ay ang kaso ng Chinese national na si Wang Bo na nananatiling nasa bansa.

Blacklisted si Bo sa Pilipinas at hiniling ng mga otoridad ng Chinese Consul sa bansa na pabalikin ito sa China.

Nananatili sa bansa si Bo dahil sa nagpapatuloy na imbestgasyon ng Mababang Kapulungan at ng Department of Justice sa umano’y naganap na bribery o suhulan sa mga mambabatas para paboran ang pagpasa ng Bangsamoro Basic Law o BBL.

Sa Bo case ay nalantad ang iringan sa pagitan ni Mison at ng dalawang iba pang commissioner ng BI na sina Associate Commissioner Abdullah Mangotara at Gilberto Repizo.

Naninindigan si Mison na ang lahat ng akusasyon sa kanya ay bunga ng mga pagbabago at repormang kanyang ipinatupad sa kagawaran./Arlyn Dela Cruz

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.