Presyo ng tickets para sa Olympic Qualifiers, inilabas na ng SBP

By Kathleen Betina Aenlle April 13, 2016 - 12:04 AM

GILAS-fibaInilabas na ng Samahang Basketbol ng Pilipinas ang listahan ng mga presyo ng tickets para sa inaabangang FIBA Olympic Qualifying Tournament dito sa Maynila.

Gaganapin ang torneyo sa Mall of Asia Arena sa July 5 hanggang 10.

Ngunit, naging kapansin-pansin rin sa mga basketball fans ang napaka-tataas na presyo ng mga tickets.

Sa unang dalawang araw ng laban na katatampukan ng Gilas Pilipinas, nagkakahalaga ng P10,000 ang VIP seats, P8,500 para naman sa Patron seats, P6,800 para sa lower box seats, at P6,800 para sa lowerbox seats.

Pero pagdating ng ikatlong araw ng laro, bababa ng kalahati ang presyo ng tickets kung saan P5,000 na lang ang VIP seats,

Habang umuusad naman sa semifinals at finals, lalong tataas ang mga presyo.

Sa semifinals kasi, tataas hanggang P12,000 ang halaga ng VIP, P10,000 sa Patron at P8,000 naman sa lowerbox, at madadagdagan pa ng P2,000 ang presyo sa kada section pagdating ng finals.

Pero hindi naman dapat mag-aalala ang mga basketball fans na hindi kaya ang ganito kamahal na mga tickets dahil ang upperbox tickets ay P400 lamang ang halaga, habang ang general admission ay P200 lang mula sa umpisa hanggang matapos ang qualifiers.

Mayroon ring binebentang season passes kung saan P47,000 ang halaga ng VIP, P39,500 para sa Patron at P31,500 naman para sa lower box tickets na magbibigay ng access sa lahat ng laban.

Inidepensa naman ni SBP chairman at president Manny V. Pangilinan na reasonable at mura pa nga ang mga tickets na ito, lalo’t isa sa mga maglalaro ay ang Gilas Pilipinas.

Dumaan aniya ito sa mahabang usapan, at ikinonsidera pa nila ang mga presyo sa 2013 FIBA Asia Championship, PBA Game 7 na may Ginebra at Ateneo-La Salle games, maging aniya ang international pricing.

Di hamak rin aniya na mas mura naman ito kumpara sa ticket sa concert ni Madonna.

Magsisimula ang bentahan ng tickets sa April 26, sa SM tickets.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.