Deguito kinasuhan ng libel, RCBC President humihingi ng P32 Million na danyos

By Den Macaranas April 11, 2016 - 08:46 PM

tan-Deguito-0321
Inquirer file photo

Nagsampa ng kasong libel at humihingi ng P32 Million na danyos si Rizal Commercial banking Corporation (RCBC) president on-leave Lorenzo Tan laban kay Maia Santos-Deguito.

Sa kanyang pahayag na ipinadala sa mga miyembro ng media, sinabi ni Tan na 35-taon niyang itinaguyod at iningatan ang kanyang pangalan sa banking industry at sa isang iglap ay sinira ito ng mga mapanirang pahayag ni Deguito.

Laman ng kanyang isinampang reklamo sa Makati Regional Trial Court ang umano’y mga mapanirang pahayag ni Dequito sa mga media interviews, pahayag sa imbestigasyon ng Senado at paninira sa kanyang pangalan sa mismong mga kasamahan sa RCBC.

Magugunitang sinabi ni Deguito na inutusan siya ng kanyang Boss na si Tan na magbukas ng tatlong dollar accounts sa RCBC Jupiter branch kung saan dito pumasok ang sinasabing bahagi ng $81 Million na laundered money mula sa Bangladesh Central Bank.

Mariing itinanggi ni Tan ang nasabing mga akusasyon kung saan ay sinampahan naman ng paglabag sa anti-money laundering law si Deguito ng Department of Justice.

Bukas ay itutuloy ng Senate Blue Ribbon Committee ang kanilang imbestigasyon kaugnay sa nasabing money laundering scam.

TAGS: Deguito, Libel, RCBC, senate, tan, Deguito, Libel, RCBC, senate, tan

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.