Mga kandidato, dapat magpa-drug test – Sen. Marcos

By Kathleen Betina Aenlle April 11, 2016 - 04:43 AM

ferdinand-bongbong-marcos2-jrHinamon ni vice presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kaniyang mga kapwa kandidato na tumatakbo sa alinmang posisyon na sumailalim sa drug test.

Ito aniya ay para ipakita sa publiko na tulad niya, seryoso sila sa kanilang pakikibaka laban sa iligal na droga.

“Ako ay matagal nang bukas dyan. Ako ay payag na sumailalim sa drug test upang ipakita na ako ay seryoso na bigyan ng solusyon ang problemang yan,” ani Marcos.

Ipinahayag ito ni Marcos kasunod ng parehong panawagan ng iba’t ibang grupo ng mga kabataan na boluntaryong magpa-drug test ang mga kandidato sa pagka-pangulo at pangalawang pangulo upang makita nila ang sinseridad ng mga ito sa laban na ito.

Noong Huwebes, nanawagan ang mga grupong National Youth Coordinating Council on Drug Abuse Prevention (NYCCDAP) at National Youth Affairs on Drug Abuse Prevention and Education (NYADAPE) ng drug test sa presidential at vice presidential candidates.

“Ang susunod nating mga lider ay dapat ipakita na talagang sila ay dapat paniwalaan sa kanilang mga suhestiyon ukol sa iligal na droga at ito ang tanging paraan upang magbigay ng ehemplo sa lahat,” ani NYADAPE President Leo Archie Andes III.

Ani pa Marcos, hindi lamang siya ang dapat na gumawa nito kundi lahat silang mga kandidato upang maiparating ang matinding mensahe ng kahandaan para bigyang solusyon ang lumalalang problema ng iligal na droga sa bansa.

Dagdag pa niya, na dapat bigyan ng sapat na kakayahan ang mga law enforcement agencies upang ma-target nila ang mga big-time drug pushers at ang kanilang mga lider upang maging epektibo ang pag-resolba sa isyung ito.

“Meron tayong seryosong problema sa iligal na droga dahil sa corruption at mahinang law enforcement at kailangan maalis natin sa sistema ang mga sangkot dito lalo na sa nagpapatupad ng batas. At doon sa matitira, dapat bigyan sila ng sapat na kakayahan upang magawa nila ang trabaho nila lalo na ang pagpuntirya sa drug pushers at kanilang mga principal,” ani Marcos.

Ngunit sa huli, iginiit ng senador na ang pagpapalakas pa rin ng suporta ng pamilya at komunidad ay ang pinakamahalaga sa lahat para magkaroon ng pagkakaisa sa paggabay sa mga kabataan palayo sa masamang bisyo tulad ng iligal na droga.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.