Indonesian Forces gustong i-rescue ang mga Indonesian na bihag ng ASG

By Den Macaranas March 30, 2016 - 04:38 PM

abu-sayyaf
Inquirer file photo

Handa ang Indonesian Military Force na tumulong sa Armed Forces of the Philippines para i-rescue ang sampung Indonesians na dinukot ng Abu Sayyaf.

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Defense Minister Ryamizard Ryacudu na nakipag-ugnayan na siya sa kanyang counterpart sa bansa para sa nasabing misyon.

Nilinaw ni Ryacudu na bagama’t gusto nilang tumulong sa operasyon ay kinakailangan din ang pagpayag ng Pilipinas na makapasok sa bansa ang mga sundalo mula sa Indonesia.

Ipinagmalaki pa ng opisyal na nakahanda na ang mga tauhan ng elite group na Densus 88 na umano’y mga bihasa sa counterterrorism at rescue missions.

Noong nakalipas na linggo ay dinukot ng mga ASG members ang mga crew ng tugboat na Brahman 12 habang naglalayag ang mga ito sa karagatang sakop ng Sulu.

Sinabi naman ni Maj. Gen. Demy Tejares, deputy commander ng Task Force Zambasulta (Zamboanga-Basilan-Sulu-Tawi-tawi) na on-going ang military operations ng kanilang pwersa para iligtas ang mga bihag.

Ang Abu Sayyaf ay humihingi ng P50 Million na reward para sa kalayaan ng naturang mga Indonesian crewmen.

TAGS: AFP, ASG, indonesia, PNP, AFP, ASG, indonesia, PNP

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.