Ateneo idineklarang ligtas ng QCPD

By Den Macaranas March 28, 2016 - 03:35 PM

AteneoMakaraanan ang second sweep ay idineklara na ng Quezon City Police District Explosive and Ordnance Division na ligtas ang buong compound ng Ateneo De Manila University.

Pasado alas-nueve ng umaga kanina nang makatanggap ng tawag ang nasabing unibersidad kaugnay sa umano’y bomba na itinanim sa hindi sinabing lugar sa loob ng ADMU Loyola Campus.

Kaagad na pinapunta sa open field ang mga mag-aaral at mga empleyado ng Ateneo kasabay naman ang paghahanap sa bomba na ginawa ng mga bomb experts ng QCPD.

Rumesponde rin sa lugar ang ilang mga paramedics at mga tauhan ng Bureau of Fire Protection.

Pasado alas-dyes ng umaga nang magpasya ang pamunuan ng Ateneo na kanselahin na ang mga klase at trabaho sa buong araw para matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral at kanilang mga empleyado.

Nagdulot din ng mabigat na daloy ng trapiko sa kahabaan ng Katipunan Ave. ang nasabing bomb threat.

Makalipas ang halos ay limang oras ay idineklara ng QCPD na ligtas ang nasabing unibersidad.

Nagsasagawa na ngayon ng imbestigasyon ang mga otoridad para kilalanin ang caller na nagsabing may bomba sa naturang paaralan.

TAGS: ADMU, Bomb threat, Katipunan Ave., ADMU, Bomb threat, Katipunan Ave.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.