Japan, gusto na ring ireklamo ang China sa UN tribunal

By Kathleen Betina Aenlle March 17, 2016 - 04:24 AM

 

shinzo-abeNais na rin ng namumunong partido sa Japan na gayahin ang ginawa ng Pilipinas kaugnay sa agawan ng teritoryo sa South China Sea.

Hinihimok na nila si Prime Minister Shinzo Abe para pag-isipan at i-kunsidera ang pagsasampa ng kaso sa arbitration court sa The Hague laban sa China dahil naman sa agawan nila ng teritoryo sa East China Sea.

Sa resolusyong inilabas ng Liberal Democratic Party (LDP), nanawagan sila kay Abe na manindigan na at ayain ang China na ituloy ang mga pag-uusap tungkol sa isyu ng oil and gas exploration sa East China Sea.

Matagal nang nabahiran ang relasyon ng dalawang bansa dahil sa mga maliliit na isla sa East China Sea, at noong nakaraang taon lamang ay nanawagan pa ang Japan sa China na itigil na ang drilling sa pinagaagawang teritoryo.

Iginigiit kasi ng China na mayroon silang karapatan na mag-hukay at mag-drill sa East China Sea.

Ayon sa pinuno ng LDP na si Yoshiaki Harada, oras na hindi pumayag ang China, hudyat na ito na dapat na nilang iakyat sa international arbitration court ang isyu.

Nagkasundo na umano silang lahat na hindi dapat mag-alinlangan ang kanilang bansa na iakyat sa korte ang patuloy na pagkamkam ng China sa mga isla sa East China Sea.

Aniya pa, sa kabila ng paulit-ulit nilang pangungumbida, hindi pa nagkakaroon ng bilateral dialogue ang dalawang bansa tungkol sa mga resources development sa East China Sea sa mga nakalipas na taon.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.