RCBC branch manager unang isasalang sa $81Million probe ng DOJ

By Den Macaranas March 16, 2016 - 04:58 PM

deguito-go-0316
Inquirer file photo

Sa susunod na buwan pa sisimulan ng Department of Justice ang kanilang preliminary investigation kaugnay sa $81Million dirty money na pumasok sa Philippine banking system mula sa Bangladesh.

Sinabi ni Assistant State Prosecutor Gilmari Fe Pacamara na mag-iisyu na sila ng subpoena para paharapin sa gagawing imbestigasyon si Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC) Jupiter branch manager Maia Santos-Deguito.

Kasama rin sa mga ipatatawag sina Michael Francisco Cruz, Jessie Christopher Lagrosas, Alfred Santos Vergara at Enrico Theodoro Vazquez na una nang sinabi ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na pawang mga fictitious names lamang.

Si Deguito ay sinampahan na ng AMLC ng kasong paglabag sa Anti-Money Laundering Law.

Ang nasabing bank official ang itinuturong nag-ayos kaya nakapasok sa bansa ang perang galing sa Bangladesh Central Bank na napasok ng mga hackers na umano’y galing ng China.

Mula sa account ng nasabing mga fictitious names ay nai-consolidate ang multi-million dollar deposits sa iisang account sa ilaim ng account name na William So Go.

Si Go ay lumutang sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon kahapon at mariin niyang itinanggi na kanya ang naturang account sa RCBC Jupiter branch.

Sinabi rin ni Go na umamin sa kanya si Deguito na ginamit nito ang kanyang pangalan para magbukas ng account noong February 1 2016 at doon inilagay ang pera na nagmula sa Bangladesh Central Bank.

Sa imbestigasyon ng AMLC, napag-alaman din na noong March 15 2015 binuksan ang mga fictitious accounts na nakapangalan kina Cruz, Lagrosas, Vergara at Vazquez at noong February 2 2016 naman nagkaroon ito ng multi-million dollar deposits na sinasabing bahaging nag-hack na pera na naka-deposito sa New York.

TAGS: AMLC, Bangladesh, Deguito, DOJ, RCBC, AMLC, Bangladesh, Deguito, DOJ, RCBC

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.