Kris Aquino, aalis na muna sa ABS-CBN

By Jay Dones March 09, 2016 - 04:17 AM

 

Mula sa instagram

Inanunsiyo na ng ‘queen of all media’ na si Kris Aquino ang kanyang pansamantalang pagpapahinga sa showbusiness sa pagtatapos ng kanyang kontrata sa network na kanyang pinaglilingkuran.

Sa serye ng mga post na inilabas nito sa Instagram, sinabi ni Kris na nais niya munang bigyan ng pansin ang pag-aasikaso sa kanyang kalusugan, pamilya at negosyo kaya’t nagdesisyon itong magpahinga muna.

Gayunman, nilinaw ni Kris na magbabalik pa rin siya sa entertainment industry sa nalalapit na hinaharap.

Ipinaliwanag pa ng actress-host na magtatapos ang kanyang kontrata sa ABS-CBN sa March 23, 2016 o halos dalawang dekada simula nang pumirma siya ng kontrata noong 1996.

Pinasamalamatan ni Kris ang naturang network at ang kanyang mga endorsement na sumuporta at nagtiwala sa kanya.

Dagdag pa ng presidential sister, sa kanyang pagpapahinga sa larangan ng entertainment, plano nilang pamilya na mamamasyal at lumipat sa bagong tirahan.

Nais din ni Kris na pagtuunan ng pansin ang mga negosyong kanyang naipundar sa kanyang pansamantalang pagpapahinga sa showbusiness.

Matatandaang noong nakaraang taon, makailang ulit na naospital si Kris dahil sa hypertension at pagod.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.