Barko ng NoKor hindi pinayagang makalabas ng Pilipinas

By Den Macaranas March 05, 2016 - 03:11 PM

Jin TengHindi na pinayagang umalis ng Philippine Coast Guard sa Subic Bay Freeport ang isang North Korean registered vessel makaraang maglabas ng sanctions ang United Nations laban sa North Korea.

Sinabi ni Presidential spokesman Manolo Quezon na parating na sa bansa ang ilang tauhan ng United Nations para inspeksyunin ang nasabing barko.

Nauna dito, sinabi ni Coast Guard spokesman Armand Balilo na nakipagtulungan naman ang 21 crew members ng Jin Teng na isang 6,830 tonnage na barko mula sa Pyongyang.

Ipinaliwanag ng opisyal na isasa-ilalim pa sa electronic weapon sensor inspection ang nasabing barko.

Galing ang MV Jin Teng sa Palembang Indonesia na may kargang mga Palm products nang dumaong sa Subic Zambales noong Huwebes.

Dahil sa ibinabang sanction ng U.N Security Council ay nagpasya na ang Philippine Coast Guard na huwag nang paalisin ang nasabing barko at isasa-ilalim sa deportation procedure ang kapitan pati na ang mga crew ng naturang sasakyang pandagat.

Magugunitang nagpakawala ng anim na shot-range missile sa dagat ang North Korea nang ibaba ng U.N ang sanction sa kanila dahil sa pagtatago ng mga nuclear weapons.

Walang diplomatic ties ang Pilipinas sa North Korea kaya walang embahada ang nasabing bansa dito sa Pilipinas.

TAGS: Manolo Quezon, north korea, philippine coast guard, Subic, Manolo Quezon, north korea, philippine coast guard, Subic

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.