Mga suspek sa pagpatay sa Malolos Judge kinasuhan na

By Chona Yu March 02, 2016 - 03:58 PM

raymond-dominguez
Inquirer file photo

Sinampahan na ng murder case sa Malolos Regiona Trial Court ang mga suspek sa pagpatay kay Malolos City Judge Wilfredo Nieves.

Sa ulat mula sa tanggapan ni Office of the Court Administrator Midas Marquez, kasama sa mga kinasuhan ng murder ay sina: Jay Deogrades Joson alyas Jepoy at Jefferson at Raymond Dominguez na umano’y pinuno ng isang carnapping syndicate.

Ibinasura naman ang reklamo laban kay Arnel Janoras dahil siya ay namatay na.

Ang reklamo naman laban sa iba pang mga respondents ay ibinasura rin dahil sa kawalan ng probable cause.

Nabatid na nai-raffle na rin ang kaso noong February 1 at ito ay napunta sa Malolos RTC Branch 82.

Inaasahan namang susunod na ang pagpapalabas ng warrant of arrest laban sa mga akusado.

Ang akusadong si Dominguez ay nauna nang hinatulang guilty ni Judge Nieves sa kasong carnapping nuong 2012 at siya ngayon ay nakakulong na sa New Bilibid Prison.

Isinama sa mga akusado si Dominguez makaraang ikanta ng pumanaw na respondent na si Janoras na si iniutos ni Dominguez ang pagpatay sa hukom.

Si Nieves ay pinagbabaril noong November 11, 2015 ng mga salarin na sakay ng isang SUV at motorsiklo habang siya ay sakay ng kanyang sasakyan at pauwi na sana galing sa courtroom na nasa Capitol Compound sa Malolos City.

TAGS: Dominguez Group. Malolos, Judge Nieves, Murder, Dominguez Group. Malolos, Judge Nieves, Murder

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.