“Random Girl” Zendee Tenerefe, May album na

July 04, 2015 - 07:09 PM

zendee
Kuha ni Lawrence Manansan

Hindi inasahan ng You Tube star at tinaguriang random girl na si Zendee Rose Tenerefe na sisikat siya, maaanyayahan sa The Ellen Degeneres Show at magkaka-album.

Sa panayam ng Radyo Inquirer ay sinabi ni Tenerefe na bata pa lang ay pangarap na niyang maging singer para sundan ang yapak ng ina na kumakanta sa ibang bansa.

“Sa harap ng bahay namin sa Gensan ay may videoke kaya nasanay akong kumanta at gusto ko ‘yung feeling na maraming nanonood sa akin. Suki rin po ako ng singing contests, dumadayo ako ng Davao hanggang Manila. Naging second place ako at naging champion din,” ani Zendee.

Nadiskubre ang singer na tubong General Santos City nang naging trending ang video nito habang kumakanta sa isang mall.

Sa loob ng tatlong araw ay nasa pagitan ng dalawa hanggang tatlong milyon ang views ng una niyang youtube video, dahilan para anyayahan ito ng talk show host na si Ellen Degeneres.

“Sinundo ako ng limousine ni Ellen. Hindi kami nagkita ni Ellen bago ang show at sa mismong show na kami nagkita pero pinapanood daw niya iyong rehearsal ko tapos nag-gangnam style ako kasi paborito ni Ellen yun,” pahayag ni Zendee sa Radyo Inquirer.

Ilan sa mga idolo ni Zendee sina Whitney Houston, Cristina Aguillera at Jessie J., pero may sarili raw siyang singing style.

Nakatakdang ilunsad ngayong Hulyo ang bagong album ni Tenerefe na may titulong “Z” sa ilalim ng MCA kaya magiging busy ito sa promotion nito lalo na ng carrier single nito na Run Wild.

“Hidi ko inasahan na magkakaroon ako ng album, gusto ko lang kumanta at kumita sa pagiging singer kaya malaki ang pasalamat ko at proud ako na sumikat ako dahil sa mga video ko,” pahayag ni Zendee./ Len Montaño

TAGS: Radyo Inquirer, youtube sensation, zendee rose tenerefe, Radyo Inquirer, youtube sensation, zendee rose tenerefe

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.