#SumbongKo campaign, binuhay ng Comelec para i-report ang mga campaign violations

By Dona Dominguez-Cargullo February 09, 2016 - 11:18 AM

Hinikayat ng Commission on Elections (Comelec) ang netizens na isumbong sa poll body ang mga kandidatong makikitaan nila ng paglabag ngayong pormal nang nagsimula ang campaign period para sa mga tumatakbo sa national positions.

Sa kaniyang post sa twitter account, hinimok ni Comelec Spokesperson James Jimenez ang publiko na magpadala ng mga pictures ng mga posters o campaign materials ng mga kandidato na wala sa tama o nararapat na lugar na itinakda ng komisyon.

Gamit ang hashtag na “SumbongKo” ang mga netizens ay hinihimok na kuhanan ng larawan ang mga posters ng mga kandidato na wala sa common poster areas.

Partikular na ang mga posters na nasa mga puno, poste ng ilaw, poste ng kuryente, at nakasabit sa mga kawad ng kuryente.

Inumpisahan ni Jimenez ang paggamit sa nasabing hashtag nang siya mismo ay makakita ng mga posters ng mga kandidato na nasa mga bawal na lugar.

Unang ipinost ni Jimenez ang larawan ng mga campaign posters ni Senator Grace Poe na nasa Dimasalang Bridge sa Maynila, gayundin ang posters ng senatoriables na sina Francis Tolentino at Rey Langit na nasa isang poste ng kuryente.

Ayon kay Jimenez, noong 2013 elections naging epektibo ang “#SumbongKo” campaign ng Comelec, dahil aktibo ang mga netizens sa pag-tweet ng mga campaign posters na nakalagay sa bawal na lugar.

TAGS: sumbong ko campaign, sumbong ko campaign

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.