DFA Sec. Del Rosario nagbitiw na sa kanyang pwesto

By Den Macaranas February 08, 2016 - 04:52 PM

Albert-del-rosario
Inquirer file photo

Nananatiling tahimik ang Department of Foreign Affairs sa ulat kaugnay sa pagsusumite ng resignation ni DFA Sec. Albert Del Rosario.

Nauna nang kumalat ang balita sa hanay ng mga opisyal ng DFA kaugnay sa sinasabing pamamaalam sa puwesto ni Del Rosario kung saan ay naisumite na niya ang kanyang resignation letter kay Pangulong Noynoy Aquino.

Pati si Communications Sec. Sonny Coloma ay tumangging kumpirmahin ang nasabing ulat.

Base sa mga report na kumakalat ngayon sa loob ng DFA, kinausap na ni Del Rosario ang mga senior diplomats ng bansa kasunod ng kanyang liham sa pangulo.

Sinasabing dumaranas ng spinal problem ang 76-year old na kalihim at mas lalo pang lumala ang kanyang sitwasyon sa mga nakalipas na araw.

Noong nakalipas na buwan ng Nobyembre ay sumailalim rin sa isang operasyon si Del Rosario kung saan ay nilagyan ng pacemaker ang kanyang puso sa isang operasyon na hindi na ipina-alam pa sa publiko.

Sa kanyang liham sa pangulo, inirekomenda ng kalihim na humalili sa kanyang posisyon ang kaapelyedo pero hindi naman kaanak na si Usec. Laura Del Rosario na kasalukuyang undersecretary for International and Economic Reforms.

Sa February 15-16 ay nakatakdang samahan ng DFA Secretary si Pangulong Noynoy Aquino sa pulong ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na gaganapin sa Rancho Mirage sa California.

Sinasabi ng ilang sources sa DFA na ito na ang magiging huling tour of duty ni Del Rosario sa kagawaran.

TAGS: Albert Del Rosario, Aquino, Asean, DFA, Albert Del Rosario, Aquino, Asean, DFA

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.