May 9 elections may posibilidad na hindi matuloy ayon sa Comelec

By Den Macaranas February 08, 2016 - 03:41 PM

IChristian Lim Comelecnamin ng Commission on Elections (Comelec) na pwedeng hindi matuloy sa May 9 ang eleksyon sa bansa kapag hindi naisaayos agad ang problema sa source code na gagamitin para sa gaganaping automated elections.

Sa ipinatawag na press conference, ipinaliwanag ni Comelec Commissioner Christian Lim na may tatlong bahagi pa silang isinasa-ayos para sa automated elections sa buwan ng Mayo.

Binubuo ito ng Election Management System (EMS), Canvassing and Cosolidation System (CCS) at ang Voting counting machines.

Ang bawat bahagi ayon kay Lim may kanya-kanyang source code para matiyak ang kredibilidad ng mga botong bibilangin ng mga makina sa mismong araw ng eleksyon.

Inamin ni Lim na hanggang ngayon ay hindi pa handa ang EMS na siyang pangunahing kailangan sa paglilimbag ng mga balota.

Iyun ang dahilan kaya imbes na February 8 ay iniurong nila sa February 15 ang pagsisimula ng pag-imprenta ng 57 Million na balota na gagamitin sa halalan.

Kapag muling naurong ang nasabing petsa ay sinabi ni Lim na mahaharap sa isang malaking problema ang Comelec.

Sa kabuuan ay kinakailangan ang 81 days para maimprenta ang 57 Million ballots.

Kung ito’y sinimulan ngayon, ang kabuuan ng pag-iimprenta ay matatapos sa April 28 base sa pagtaya ng National Printing Office at Comelec.

Ipinaliwanag pa ni Lim na kung sa Feburary 15 sisimulan ang pag-iimprenta ng mga balota, matatapos ang buong proseso sa May 5 o apat na araw bago ang eleksyon.

Pero kung muling magkakaroon ng aberya, aminado ang opisyal na baka magkaroon ng delay o postponement ng halalan sa ilang mga lugar sa bansa.

Kung aabot naman sa 50-percent ang kakulangan ng mga balotang naimprenta bago ang mismong araw ng eleksyon, sinabi ni Lima na mangangahulugan ito ng total postponement ng botohan.

Kaagad namang pumalag sa nasabing pahayag si Sen. Koko Pimentel na siyang chairman ng Joint Congressional Oversight Committee on the Automated Elections.

Nilinaw ng mambabatas na hindi pwedeng baguhin ang petsa ng eleksyon na nakasaad sa ating Saligang-Batas.

Ang nakikitang solusyon ni Pimentel kung sakaling hindi pa maayos ang problema ng Comelec ay ang pagkakaroon ng partial manual election sa mga lugar na hindi magagamit ang automated system.

 

TAGS: comelec, Election postponement, lim, Smartmatic-TIM, comelec, Election postponement, lim, Smartmatic-TIM

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.