Mga empleyado ng NAIA, tumanggap ng parangal at pangaral mula sa MIAA

By Kathleen Betina Aenlle February 02, 2016 - 01:00 AM

 

Inquirer file photo

Bagaman nakalaan ang araw para sa pagpaparangal sa mga empleyado ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa kanilang mga mabuting nagawa, hindi rin naman sila nakaligtas sa pasimpleng pangaral mula sa opisyal ng Manila International Airport Authority (MIAA).

Binigyang parangal kahapon ang mga katangi-tanging empleyado ng NAIA, tulad na lamang ng isang guwardyang nag-sauli ng isang maletang naglalaman ng $3,025 o nasa P144,000 na may kasama pang P53,000 na cash.

Nakatanggap rin ng parangal ang dalawang maintenance workers na nag-sauli naman ng mga bags na may lamang pera na nagkakahalaga ng nasa P250,00, at isang security officer na tumulong na maharang ang isang pasaherong may bitbit na 500 gramo ng shabu.

Sinamantala na ni MIAA senior assistant general manager Vicente Guerzon Jr. ang pagpaparangal sa mahigit 70 empleyado ng paliparan, para makapagbigay na ng kaniyang huling talumpati at evaluation sa mga nangyari sa NAIA sa nagdaang limang taon.

Dito na nga binigyan ni Guarzon ng bagsak na iskor na 3 out of 10 ang attitude at work ethic ng mga empleyado ng NAIA.

Pinangkat niya ang mga empleyado sa tatlong grupo; mayroon aniyang mga “willing and able,” “very able but unwilling,” at ang “unwilling and unable.”

Paliwanag ni Guerzon, ang mga “willing and able” ay iyong mga magagaling at mahal ang trabaho, habang ang mga “very able but unwilling” ay iyon namang mga magagaling ngunit makasarili at ginagawa lang ito para sa personal na interes.

Ang mga “unable and unwilling” naman aniya ay iyong mga walang pakialam at walang nais gawin para sa NAIA.

Ipinaubaya na niya sa mga empleyadong nakikinig sa kaniyang talumpati kung saan nila ilulugar ang kanilang mga sarili.

Bagsak aniya ang iskor na ibinigay niya dahil karamihan sa MIAA ay parang natural nang gawain na isantabi ang mahahalagang bagay na dapat gawin.

Samantala, sa kabila ng bagsak na evaluation sa empleyado, binigyan naman niya ng “9” o “excellent” ang mga pagbabago at pag-unlad sa mga pasilidad, imprastraktura at operasyon ng NAIA.

“8” naman ang iskor niya sa kabuuang performance ng MIAA sa huling limang taon.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.