Dating MRT GM naglabas ng sama ng loob sa Sandiganbayan

By Den Macaranas February 01, 2016 - 07:40 PM

AL VITANGCOL / JANUARY 6, 2016 Al Vitangcol, former MRT general manager, attends a media forum at Club Filipino in San Juan City on Wednesday, January 6, 2016. INQUIRER PHOTO / GRIG C. MONTEGRANDE
INQUIRER PHOTO / GRIG C. MONTEGRANDE

Hiniling ni dating Metro Rail Transit (MRT 3) General Manager Atty. Al Vitangcol III sa 3rd division ng Sandiganbayan na ilabas ang mga affidavit ng mga DOTC officials kaugnay sa kinakaharap niyang kasong graft.

Sa kanyang isinumiteng mosyon, ipinaliwanag ni Vitangcol na maituturing na material evidence ang mga isinumiteng affidavit nina Transportation Sec. Jun Abaya, Usecs. Rene Limcauco, Jose Perpetuo Lotilla at Raphael Antonio Santos ganun din nina Asecs. Dante Lantin at Ildefonso Patdu.

Laman ng nasabing mga pahayag ang kanilang tugon sa isinagawang imbestigasyon ng Ombudsman kaugnay sa umano’y maanomalyang kontrata na pinasok ng MRT sa PH Trams at CB&T bilang mga maintenance contractor.

Nagtataka si Vitangcol dahil umabot sa labing-limang mga opisyal ng DOTC at MRT ang isinalang sa imbestigasyon kung saan ay sinabi ng mga ito na above board at walang katiwalian sa nasabing kontrata.

Pero makalipas ang imbestigasyon ng Ombudsman ay pinawalang-sala ang nasabing mga opisyal at tanging siya lamang ang kinasuhan ng paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Republic Act 9184 o Government Procurement Reform kaugnay sa umano’y maanomalyang pag-aaward ng MRT 3 maintenance contract noong October 2012.

Maliban kay Vitangcol ay sabit din sa kaso ang mga incorporators ng PH Trams at CB&T na kinabibilangan ng tiyuhin ng kanyang misis na si Arturo Soriano.

Nauna dito ay humingi rin ng tulong sa Public Attorney’s Office (PAO) si Vitangcol dahil wala umano siyang kakayahan na magbayad ng kanyang sariling abogado.

Inakusahan din ni Vitangcol ang Ombudsman ng pagsira sa kanyang pangalan bilang abogado na siyang dahilan kung bakit wala siyang makuhang kliyente at trabaho sa kasalukuyan.

TAGS: Abaya, DOTC, MRT, sandiganbayan, vitangcol, Abaya, DOTC, MRT, sandiganbayan, vitangcol

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.