VP Binay gusto na raw makipagkasundo kay Jamias

July 02, 2015 - 09:43 AM

jamias
Kuha ni Ruel Perez

Gusto na umanong makipag-areglo at humingi ng paumanhin ni Vice President Jejomar Binay kay Southern Police District (SPD) Deputy Director for Administration Sr. Supt. Elmer Jamias.

Ayon kay Jamias, tinawagan siya ng dalawang tao mula sa kampo ni Binay para hilingin na makipagkita siya sa bise presidente.

Nang tanungin umano niya kung ano ang agenda ng gagawing pagkikita ay sinabing nais siyang kausapin ni Binay para humingi ng paumanhin.

“Tinawagan po ako ng tagapamagitan ni VP Binay, gusto daw makipag-usap sa akin ni VP Binay, kakausapin daw po ako at hihingi ng paumanhin,” sinabi ni Jamias.

Tumanggi naman si Jamias na pangalanan ang dalawang tao mula sa kampo ni Binay na kumausap sa kaniya.

Sa kabila nito desidido si Jamias na ituloy ang pagsasampa ng reklamo laban sa bise presidente dahil sa umano ay pananakit, panlalait at pananakot sa mga pulis na nagbantay sa Makati City Hall.

Ayon kay Jamias, ipinatupad lamang niya ang kaniyang trabaho bilang isang alagad ng batas.

Sa ngayon ayon kay Jamias, tinatapos na lamang nila ang pangangalap ng ebidensya para sa mga kasong physical injury, direct assault on a person of authority, oral defamation at grave threat na isasampa laban kay Binay./ Ruel Perez, Dona Dominguez-Cargullo

TAGS: elmer jamias, Jejomar Binay, Radyo Inquirer, elmer jamias, Jejomar Binay, Radyo Inquirer

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.