Dagdag pensyon sa SSS, kakayanin kung nakolekta ang P135-B na ‘di kinita ng ahensya

By Kathleen Betina Aenlle January 21, 2016 - 06:47 AM

sss_logo_0Naniniwala si Bayan Muna Rep. Neri Colmenares na kaya pang isulong ang P2,000 pension hike bill.

Nakasaad kasi ani Colmenares sa liham na ipinresenta ni Social Security System (SSS) president Emilio de Quiros Jr. sa mga pagdinig sa Kamara na mayroon pang P325 bilyon halaga ng kita na hindi pumasok sa ahensya.

Ayon kay Colmenares, kung masisingil ang malaking halaga na ito, maari na nitong punan ang P2,000 idadagdag sa buwanang pensyon na natatanggap ng mga retiradong miyembro ng SSS.

Mayroon ring ibinunyag ang Commission on Audit (COA), base sa report nito, na mayroon pa sanang P198.118 milyong karagdagang kita ang SSS noong 2014 kung ipinarenta nito ang assets nito, kabilang na ang mahigit sa 100 condominium units na nagkakahalagang P17.956 bilyon.

Nilinaw pa ni Colmenares na base sa mga pagdinig sa Kamara, P4 bilyon lang ang magiging deficit sa pondo ng SSS para sa pensyon sakaling maipatupad ang panukala, at hindi P16 hanggang P26 bilyon tulad ng sinasabi ni Pangulong Aquino.

Ito ay dahil P49 bilyon ang kakailanganing pondo sakaling ito ay ma-implementa, at hindi P56 bilyon.

Matatandaang binatikos ang ahensya ng SSS dahil sa malalaking bonus at sweldo ng pamunuan at mga tauhan nila.

Umabot pa umano sa P116 milyon ang sweldo at bonus ng 34 ehekutibo ng SSS noon lang taong 2014.

Giit ni Colmenares, kung nagawa lang ng maayos ng SSS ang paniningil o pangongolekta ng nasabing kakulangan sa kita, kayang-kaya nitong masustentuhan ang mahigit dalawang milyong pensioners nito.

TAGS: sss fund, sss fund

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.